Home2018MarchMaria Desolata

Maria Desolata

Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nito na si Maria na asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at sa tabi nito ang inakamamahal niyang alagad, sinabi niya sa kanyang ina, “Babae, hayan ang iyong anak.” At sinabi sa alagad, “Hayan ang iyong ina.” Buhat sa oras na yaon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan. (Juan 19: 25-27) 

Pagkatapos ng ilang taon ng pagsubok at paghihirap, nakatanggap ang Kilusang Focolare o Gawa ni Maria (Work of Mary), ang opisyal na pangalan nito sa Simbahan, ng una nitong opisyal na pag-apruba ng Simbahan noong March 23, 1962. Sa mga sumunod na taon, mas lumaganap pa ang samahan. Si Chiara Lubich ay tinanggap ni Papa Pablo VI sa isang panayam, at sa ilang okasyon, nakipagpalitan siya ng liham sa Papa.

Naglunsad ng maraming mga gawain ang Focolare, at nagkaroon ng mga sangay para sa mga pamilya, kabataan, pari, at mga relihiyoso’t relihiyosa. Nagbukas ito ng pag-uusap sa iba’t ibang Simbahan. Ito’y panahon ng pagtangkilik, maraming gawain at mga bagong kasapi, subalit ang mas mahalaga kay Chiara, habang masigasig sa mga gawain ng samahan, ay ang personal at sama-samang paglalakbay patungo sa kabanalan.

Ang taong 1960 at 1970 ay natatangi sa pagmamahal kay Maria Desolata, ang pagtuklas sa “sining ng pagiging handang tumanggap ng pagkawala” bilang daan sa kabanalan. Noong Agosto ng 1962, binisita ni Chiara ang simbahang-dambana ng Oberiberg sa Switzerland. Sa kadiliman ng simbahan, ang tanging makikita ay ang liwanag mula sa Banal na Tabernakulo.

Ganito ang larawan na pinagninilayan ni Chiara ng mga panahong iyon: si Maria sa paanan ng krus, si Maria Desolata. Ito ay pagkawala ng lahat ng “makamundo o makataong sentimento”, matanggal ito sa kalooban upang sa gayon ang banal ay sumibol mula sa atin. Mga ilang taon pang nakakaraan, nang iwanan niya ang napakagandang mistikal na karanasan na kung tawagin ay Paraiso ‘49 sa Trento sa Hilagang Italya upang bumalik at maglingkod sa mundo, sumulat si Chiara ng isang pagninilay na naging tanyag sa Focolare: Iisa lamang ang
aking kabiyak sa mundo: si Jesus na Pinabayaan.

Noong 1962, sa bukang-liwayway ng paglaganap ng Focolare na itinatag ni Chiara, sumulat siya ng isang halos kahawig na pagninilay, na ngayon naman ay nakatukoy kay Maria Desolata, bilang programa ng buhay na nais niyang isabuhay ng buong samahan.

Iisa lamang ang aking ina sa mundo: si Maria Desolata.
Wala akong ibang ina kundi siya. Nasa kanya ang buong Simbahan magpasawalang-hanggan,
at ang buong Gawa ni Maria sa pagkakaisa.
Akin ang kanyang disenyo. Sasalubungin ko ang mundo sa pagsasabuhay sa kanya.
Lahat ng paghihiwalay ay akin…Lahat ng paghihiwalay sa bawat mabuting aking ginawa…
isang pakikibahagi sa pagtataguyod kay Maria.
Sa kanyang ‘pamamalagi’ (sa paanan ng krus), ang aking
‘pamamalagi’.
Sa kanyang ‘pamamalagi’, ang aking ‘pag-kilos’.
Isang halamanang nababakuran at bukal na tinakpan (Awit ng mga
Awit 4:12).
Palalaguin ko ang lahat ng pinakamahalaga niyang kagandahang- asal,
upang sa gayon sa tahimik na kawalan ng aking sarili
ang kanyang karunungan ay magliwanag,
at maramdaman lagi ng mga pinili niyang anak,
ng mga taong nangangailangan ng kanyang habag,
ang kanyang mapagkalingang pagmamahal bilang ina –sa isang munting Maria…
Isinalin mula sa aklat na Mary, New City Press 2017, pp. 77-79.

 

DONATE TO NEW CITY PRESS PH

New City Press Philippines offers all its articles for free; we would appreciate a small donation to help us continue serving you with relevant content.

For donations please click the donate button. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here


Must Read