Kailangan nating palakihin ang ating mga puso hanggang sa sukat ng puso ni Hesus. Anong laking tungkulin! Gayunman, ito lamang ang kinakailangan. Kapag ito ay nagawa, ang lahat ay nagawa na. Nangangahulugan ito na magmahal sa bawat isa na ating nakakatagpo tulad ng pagmamahal ng Diyos sa kanila.
At sapagkat tayo ay nabubuhay sa panahon, dapat nating mahalin ang ating kapwa nang isa-isa, na hindi nagkikimkim ng anumang nananatiling paggiliw para sa kapwa na ating nakatagpo sa nakaraang sandali. Kung tutuusin, si Hesus din ang minamahal natin sa bawat isa.
Kung may ganoong nananatiling paggiliw, nangangahulugan iyon na ang kapwa na atin lamang nakatagpo ay minahal para sa ating sarili o kaya’y para sa kanyang kapakanan, ngunit hindi para kay Hesus. At ito ang pagkakamali.
Ang ating pangunahing gawain ay ang panatilihin ang kalinisan ng Diyos sa kalooban natin, ang pangalagaan sa ating mga puso ang isang pagmamahal na katulad ng kay Hesus. Upang maging dalisay, hindi natin kailangang bawian ang ating mga puso at pigilin ang ating pagmamahal. Sa halip, kailangan nating palakihin ang ating mga puso hanggang sa sukat ng puso ni Hesus, at mahalin ang lahat ng tao.
At katulad ng isang banal na Ostiya, mula sa milyong mga Ostiya sa daigdig, ay sapat na upang tayo’y buhayin sa pamamagitan ng Diyos, ang isang kapwa — ang sino man na inilalagay ng kalooban ng Diyos nang malapit sa atin — ay sapat na upang tayo’y maging kasama sa pakikipag-isa sa sangkatauhan, ang Kristong Mistiko.
Ang makipag-isa sa ating kapwa ay ang pangalawang utos, ang kaagad kasunod ng pag-ibig sa Diyos, at nagpapahiwatig nito.