Ang mga tao ay malimit maakit ng ideya ng kabanalan. At maaring ang biyaya ng Diyos na kumikilos sa kanila, ang umaantig ng ganoong hangarin. Kung isasaalang-alang kung gaano kahalaga ang isang santo, ang impluwensiya ng kanyang katauhan sa kapanahunan niya, ang laganap at nagpapatuloy na pagbabago na dala ng taong ito sa mundo — ang lahat ng ito ay malimit magpasiklab sa apoy ng hangaring ito.

Subalit kung minsan, nadarama ng kaluluwa na ito ay hinihiwalay sa mga santo ng isang di-maakyat na pader kapag maingat itong ginugulo ng mga ganitong hangarin.
“Paano natin mararating ang kabanalan?” — maari nating tanungin — “Ano ang sukatan, ang patakaran, ang pamamaraan, ang daan?”

“Kung alam kong sapat na ang pagpapakasakit, parurusahan ko ang aking sarili nang buong maghapon. Kung alam kong kailangan ang panalangin, mananalangin ako nang araw at gabi. Kung sapat na ang pangangaral, pupunta ako sa mga lungsod at nayon nang walang humpay upang sabihin sa bawat isa ang tungkol sa salita ng Diyos… subalit hindi ko alam, hindi ko alam ang paraan.”

May kani-kanyang katangian ang bawat santo at ang isa ay di-tulad ng iba gaya ng mga iba’t ibang bulaklak sa isang halamanan… Ngunit marahil may isang paraan na mabuti para sa lahat.

Marahil hindi kailangang hanapin ang sariling landas, gumawa ng isang plano sa buhay, o mangarap ng mga espesyal na programa.

Sa halip, kailangan nating ibuhos ang sarili sa sandaling lumilipas upang matupad, sa sandaling iyon, ang kalooban Niya na tinawag ang Kanyang sarili na, “ang Daan,” na walang kapantay sa katangiang ito. Ang nakaraang sandali ay wala na. Ang hinaharap na sandali ay wala pa sa ating mga kamay. Isa lang ang tiyak: maari nating mahalin ang Diyos sa kasalukuyang sandali na ipinagkakaloob sa atin.

Ang kabanalan ay isinasakatuparan sa loob ng panahon. Habang nabubuhay pa, walang nakababatid ng kanyang sariling landas patungo sa kabanalan, o ang yaong sa iba kadalasan. Kapag natapos na ng kaluluwa ang pagtahak sa kanyang landas, at napatunayan ang pagiging karapatdapat nito, saka lang ipinamamalas ng kaluluwa sa mundo ang plano na inihanda ng Diyos dito.

Nasa sa atin ang paggawa nitong kabanalan, sa bawat sandali, sa pamamagitan ng pagtugon nang buo nating puso, kaluluwa at lakas sa pag-ibig na ibinibigay ng Diyos sa atin; isang personal na pagmamahal tulad ng ating Ama sa langit; isang ganap na pagmamahal tulad ng bukas-palad na pag-ibig ng Diyos.

Chiara Lubich

Isinalin ni Msgr. Jose C. Abriol

Facebook Comments

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.